Lunes, Setyembre 28, 2015

BENEPISYO AT INAASAHANG RESULTA


Sa bawat adbokasiyang isinasagawa, ay may mga taong lubos na makatatanggap ng benepisyo mula rito. Sa isyung may kinalaman sa mga maling baybay ng mga salita, ang aming unang naisip na sangkot sa usaping ito ay ang mga mamamayan sa lipunan na nagkaroon ng limitadong pormal na edukasyon lamang katulad ng mga nagtitinda sa bangketa, mga tumutulong sa isang restawrant, mga naglalako, mga mekaniko, mga drayber, atbp. Pangalawa ay ang mga Pilipinong interesado sa kung ano ang mga kaganapan sa bansa- pangnagdaan man, o pangkasalukuyan at maging panghinaharap. Napakalaking benepisyo rin ang matatanggap ng mga estudyante sapagkat kung habang bata pa lamang sila ay namulat na sa pagkakamaling ito, posibleng sa paglaki nila ay mas magkaroon sila ng hubog na kaisipan hinggil dito.



Inaasahan namin na mas magiging maalam na ang mga Pilipino na tumukoy ng pagkakamali sa baybay ng mga salita. Magkakaroon ng konsiderasyon ang mga edukado sa mga pagkakamali sa baybay na nagagawa (kahit hindi sinasadya) ng mga mamamayan ng bansa. At higit sa lahat, mas mabibigyang-pansin ng mga estudyante na ang bawat titik sa salita ay napakahalaga sapagkat ito ang magiging pundasyon ng isang makabuluhang pangungusap.

DISENYO NG PROYEKTO: ADBOKASIYA


DISENYO NG PROYEKTO: ADBOKASIYA



     ULING dapat at hindi “oling”      “Pork” ay nangagahulugang karne ng baboy.  
                                                                       FORK ang tamang baybay.
           Pinagmulan: www.google.com.ph

Sa simula ng adbokasiyang ito ay tinalakay ang mga kaligiran at katotohanan na nagbigay-daan para samin upang isagawa ito. Ginamitan namin ng salitang Juan Dela Cruz ang pamagat sapagkat ito ay tumutukoy sa ating mga Pilipino. Ang mga rasyunal, mithiin, at layunin nito ay umiikot lamang sa mga di-gaanong edukadong tao, mga Pilipinong may malasakit, at sa mga estudyante.  Sila rin ang higit na makatatanggap ng mga benepisyo  at inaasahang pagmumulan ng isang napakagandang resulta.

Sa aming isasagawang blog, ilalagay namin ang kaligiran ng konseptong papel na ito. Gagamit kami ng mga larawang may mga angkop na kapsyon upang maging mas malinaw para sa mga mambabasa ang nais ipabatid ng aming grupo hinggil sa aming adbokasiya. Makikita dito ang iba’t-ibang senaryo ng pagkakamali sa baybay ng salita. Halimbawa nito ay ang dalawang larawan sa itaas. Una, ang senaryo ng isang tindahan ng uling kung saan ang baybay nito sa salitang uling ay “oling”. Pangalawa ay sa isang restawran na sa halip na fork ay pork ang ginamit na alam ng karamihan na ito ay nangangahulugang karne ng baboy.

Makikita rin sa aming isasagawang blog ang ideya mula sa artikulo ng isang website (http://www.telegraph.co.uk). Papaloob sa bahaging ito ang ilan sa mga nakakairitang salitang Filipino hindi lamang sa maling pagbaybay dito ngunit maging sa ipinakakahulugan nito. Halimbawa ng mga salitang ito ay ang sumusunod:



·         Kaganapan
·         Tuldukan
·         Matutunan/
Natutunan
·         Barangay/ Baranggay
·         Ng
·         Mga friends, Mga classmates, Mga Cellphones

RASYUNAL, MITHIIN, AT MGA LAYUNIN


Isinagawa namin ang adbokasiyang ito sapagkat bilang mga mamamayan ng Pilipinas ay nababatid namin ang kahirapan ng ilan sa ating mga kababayan hinggil sa pagbabaybay ng mga salita. Bukas ang aming mga kaisipan na maraming lugar dito sa bansa ay nagiging paksa ng usapan dahil sa mga nagkalat na karatula/ mga paskil na may maling baybay ng mga salita. Ang paksa ng adbokasiyang ito ay napakahalaga sapagkat ito ay sumasaklaw sa baybay ng mga salita na alam nating malaki ang papel na ginagampanan sa pang-araw-araw nating pamumuhay dito sa bansa.



Mithiin namin na sa katapusan ng gawaing ito ay maging malinaw para sa amin ang mga dahilan ng mga pagkakamaling nagaganap sa baybay ng mga salitang Pilipino at maging sa mga ordinaryong salitang banyaga. Sa gayon, magkakaroon kami ng pagkakataon na malaman ang iba’t-ibang solusyon upang maituwid ang pangkasalukuyang isyung ito. Inaasahan din namin na ang mga kapwa namin estudyante ay magkakaroon ng iba’t-ibang ideya kung bakit nga ba itinuturing na suliranin ng bansa ang pagkakamali sa baybay ng mga salita.



Ang adbokasiyang ito ay binuo upang hindi maliitin ng mga edukadong tao ang mga mamamayang kinulang sa pormal na edukasyon. Isinagawa din namin ito upang mabuksan ang isipan ng bawat Pilipino hinggil sa akala natin ay simpleng isyu lamang ngunit sa likod pala nito ay ang mas malalim na dahilan kung bakit ito naganap. At huli ay upang ang bawat estudyante sa iba’t-ibang paaralan dito sa bansa ay higit na bigyang-pansin ang balarila’t ortograpiya ng wikang Filipino.

MUNGKAHING TITULO O PANGALAN NG GAWAIN


Maling Pagbabaybay ni Juan Dela Cruz

Sumasalamin sa ating mga Pilipinong hindi perpekto kaya’t kahit sa simpleng pagbabaybay ng mga ordinaryong salita ay nagagawa pa rin nating magkamali. At bilang mga mamamayang may malasakit sa lipunan, bukas ang isip namin sa kung anong mga maaring maging epekto ng mga pagkakamaling ito. 

PAPANIMULA/ KALIGIRAN


Walang nilalang ang Diyos na perpekto; lahat tayo ay nagkakamali. Kaakibat ng bawat pagkakamaling nagagawa natin ay ang mga bagay na ating natututunan mula dito. Oo, hindi masamang magkamali- pagkakamali sa mga desisyon, at maging sa mga simpleng bagay sa  paligid natin katulad na lamang ng pagbabaybay ng mga salita. Ngunit kung ating sisiyasatin sa mas malalim na punto, bakit nga ba may mga Pilipinong salat sa kaalaman sa tamang pagbaybay ng mga ordinaryong salita?



Ang tanging nagbigay-daan sa amin upang isagawa ang adbokasiyang ito ay ang ating mga kababayan na patuloy na nakikipagsapalaran sa hamon ng buhay kahit hindi gaanong nakatamasa ng isang pormal na edukasyon. Ilan sa mga imaheng pagkakamali na aming tinutukoy ay ang isang babaeng tubong Baguio City na nagtitinda ng “strawberry” ngunit ang baybay nito sa paskil ay “stroberry”. Isa pa nito ay ang imahe ng pampasadang  dyip na may karatulang Blumentritt-Novalechis na dapat ay “Novaliches”.


Huwag lang sana nating isiping bunga lang ang maling pagbaybay sa limitadong pormal na edukasyon. Totoo namang repleksiyon ito ng mababang pinag-aralan pero higit pa rito ang isyu. Dahil sa kanilang kinasasadlakan, hindi hamak na mas mahalaga ang kumita para sa pamilya kaysa muling matutuhan ang balarila’t ortograpiya. Ang kanilang araw-araw na pakikibaka sa mga hamon ng buhay ay may praktikal na layuning makapag-ipon ng pambili ng bigas at murang ulam tulad ng tuyo at sardinas.